Usisera, sige tawagin na ako sa gayong taguri. Sadyang nakapagpapabagabag nga lamang na tunay nang sa araw-araw ay iyong madinig ang samu't saring ulat ng mga pagpaslang sa mga di umano'y tulak o kaya'y lulong sa ipinagbabawal na gamot. Ngunit mas nakababahalang iyong masaksihan ang isang katatapos lang na operasyon sa iyong daraanan habang pinagkukumpulan ng di mabilang na mukha ang labi ng isang lalaking nakahandusay habang duguan at wala nang malay. (Di na siguro nararapat pang retratuhan)
Bagamat di maikaiilang sadyang nakaririmarim na malaman ang ilang krimen na bunga ng kawalan ng huwisyo dahil sa droga di rin natin maiwawaglit na maaaring ilan sa mga kinikitlan ng hininga ay pawang walang sala, napagkalaman, o dili naman kaya'y isa na sa mga nagpipilit na magbagong buhay sa pag nanais na sumunod sa patakarang pangkasalukyan.
Di iilang libo lamang ang nagsisuplong na ng kanilang mga sari-sarili halos buong pamilya sa iilan at kung susumahin ay buong barangay na ngang yata. Ngunit araw-araw din mababalita ang sunud-sunod na pagpaslang sa mga diumano'y sangkot sa droga. Ang ilan napababalitang nababaril sa mga operasyon o raid. Kapag nakakausap na ang mga saksi: mga kamag-anakan o kapitbahay, daglian ang pagsasabi nilang sumuko naman na ang biktimang suspek (tila kakaiba, ano po?), di naman sila nanlaban, nagmakaawang wag paslangin, natutulog lang, itinuring na mga hayop, at samut-saring bagay na minsan mapag-iisip kang tama pa ba ang mga kaganapan?
Sa iba kapag nagsalita ka ng ganito mapaghahalintulad ka sa walang alam o di kaya'y laban ka sa pamahalaan. Pero imulat natin ang ating isipan ... may pitumpu't pitong libong pamaraang maiisip ang matatalino nating taumbayan, --mas makapangkayarihan kaninuman.
Anong ipinag-iba ng katarungang isinisigaw kung pati na ang pamamaraan ay kawangis lamang din naman ng nilalabanan? Hustisya ang hinihingi habang hustisya ay pinapatay. Anong kabuluhan? Maraming paraan... tatandaan kung disiplina ang nais mong ibigay sa iyong sumail na anak... sikapin mong paglaanan sya ng disiplinang may kalakip na pagmamahal nang tumimo sa isip nya ang kabuhulan ng ginagawa mo ay para din sa kanyang ikabubuti. Di nga ba, Inang bayan?
#scribedbyMariaAna posted via Blogaway