Monday, January 18, 2016

Lab-dab,lab-dab!--listen to it...



Iyan ang himig at indak ng pusong may pag-asa!🎤💃💞

Kadalasan...

Kapag naisip ng isang sawing puso ang nakalipas niya, maaaring mahinawa niyang kabiguan lang at sakit ang hatid ng pagmamahal o pagsuyong natigil. Ngunit mapagtatanto mo ring kapag mayroon nang panibagong pagsuyo at ito'y nananatili, ang nagdaan ay tila aral na magtuturo sayo na may panahon ang lahat at di lang bugso ng damdamin ang nag-aalab... kungdi ang pagtingin ninyo sa hinaharap --di lamang sa malapot na pagtitig sa mata ng isa't isa.

Ang "pagmamahal" o "pagsuyo" sa isang tao (technically speaking,  not one of your relatives huh) ay isang sugal. Naniniwala akong bahagi nito ay pagtitika mo sa isang banda. Pagsugal, na hindi mahalaga kung sinuman ang magwawagi o magiging sawi dahil ang mahalaga alam mo kung kailan kakapit at kailan ka bibitiw. Sa kabilang banda, kung nagmamahal ka pipiliin mo ang bagay na magpapaligaya sa kanya kahit pa di ka bahagi non eh magpapaubaya ka. Lahat ng bagay ay nagaganap ng may mahusay na kadahilanan. Di nga lang natin mababanaagan agad-agad.

Lalo pa kung...

Ang taong minamahal mo ay di na tulad ang nararamdaman gaya ng sa iyo. Napanaw na ang maalab niyang pag-ibig. Suriin mo ang mga kaganapan sa inyo. Pag-usapan ninyo. Sumugal ka kung maaari pang balikan ang lahat para maalala nyang nangako kayong para sa isa't isa o hahayaan mo siyang hanapin ang sarili niya sa malawak na mundo (aaay,bahala siyang maligaw pineste. Haha) ang mahalaga nagkaroon kayo ng pagkakataong maunawaan ang kasalukuyang kalagayan ng inyong relasyon. [pakiusap naman kung mag-asawa na kayo pag-usapan niyong masusi at isaalang-alang ang maraming bagay, wag kayong ano dyan!]

Gayunpaman,

Sa pusong nabigo na ng minsan at nang minsan pa (wag nang pangangatluhan pa... hanggang 2nd Chance lang yung movie wag kayong ano!) wag matatakot sumubok magmahal muli. Dahil hindi mo malalaman, mararanasan, at mararamdaman kung di mo susubukan. Hindi mo maipadarama yung pagmamahal mo sa isang tao kung di ka susubok. Bahagi ng umibig ang masaktan kasi tao ka, di ka naman bato... wag lang paulit-ulit dahil walang gamot sa tanga ha. Hayaan mo na ang nakalipas, limutin mo na at matuto ka.

Sa kabilang banda...

Ang pag-ibig, pagmamahal, at pagsuyo ay di naman talaga nakakasakit. (Read on Corinthians ha, it has to be God centered...nosebleed na ko managalog pero kaya pa tiwala lang) kahit pa minsan bahagi lang nito ang pagtatasa o pagsukat sa tibay ninyo.-- na ang layunin ay lumago at hindi ang sirain kayo.

Kasi naman...

Ang pagmamahal di pinagpipilitan (wag pasukin ang komplikado, wag kang manggulo) tumiming ka naman uy! Dalwa lang!-- yung papangatlo na magba-bind si God yun. Wag kang feeler ha! antay ka ng sayo. Dahil ang pag-ibig di hinahanap kusang dumarating yan. Wag kang mag-alala yung laan para sa iyo hahawakan ng mabuti yung kamay mo nang di ka na malayo sa kanya. Yung isasanggalang niya yung sarili para di ka na masaktan pa. Kaya kalma lang ha. Wag nang bagabag.

Ang saganang akin,

Ang pag-ibig parang pagbabasa lang ng libro yan. Kung balik ka nalang ng balik sa isang pahina eh di mo mababasa yung sunod na Chapter na mas maganda pa pala... may anticipation naman kasi... nanamnamin mo yung binabasa mo hindi yung dinadaanan lang ng mata mo. Basta sarap magbasa lalong higit pagdamang-dama (pag-ibig pa rin ba topic ko o pagbabasa na?Haha)

Baka naman...

Minsan masarap ding magmahal ng 'writer'...Sabi nga sa isang nabasa ko, "When you love a person that writes no need for you to marry a Greek god or goddess cos through their writing you can be immortal! " (maisingit lang)

Napagtanto ko ding...

Ang kakayahan nating magmahal ay di naman kayang tibagin ng isang kabiguan o di kaya ay maipagwawagi ng isang haplos... yes it can start with such pero... tatandaan nating panghabambuhay ang pag-ibig patuloy tayo sa pagsuyo. Dito ay matuto tayo, may malalaman, at mag-uusbong. Sa buhay,  bahagi nito ang pagkawala ng ilan at pagdating ng panibago.

Alam ko to (learned by experience)

Pag-iniwan ka, wag kang magmumukmok. Iiyak mo kung kailangan... hahanap ka din ng kausap ha delikado eh. But "time heals all wounds" totoo! Ang buhay ay pasulong di yan paurong. Masakit, siyang tunay, pero kaya naman. Mabuti nga at nagmahal ka... yung sa totoo lang... di ka nagkulang. Kunsensya na niya. Takte! Kung nadapa ka aba'y bangon! Wag kang unfair sa sarili. Love yourself and you'll again be set to love others. Oo, mag-iiwan ng marka yung dati. Pero pakiawa mo na wag mong kurutin ng kurutin yung sugat at baka maging malaking peklat yan ha. Ang pagmamahal ay dapat isang magandang pakiramdam na ibabahagi mo araw-araw hindi alaalang itinatago sa kung saanman.

O basta ha.

Pagmagmahal ka wag kang tipid. Lalo na kung dun sa tamang tao. Kailan mo malalamang tama? -- yung walang sabit, di ka panggulo,  iniisip ang kapakanan mo,  yung nagsasabi ng totoo at hindi lang paggwapo, yung di ka idadaan sa kwento pero may oras na makipag-usap sayo, yung hindi baon niya yung pandate sayo o galing pa sa kupit sa wallet ng nanay niya, hindi yung maganda/gwapo ka lang sa paningin niya dahil may nahihita sayo at di naman yung nasa-saloob mo.. (balak ka pang gawing trophy).  Aral muna kung estudyante ka,  pamilya muna bago iba. You'd know a better person if you see how they value their family... nakakasiguradong gamot ay bago... joke lang! Malamang alamang pahahalagahan din niya yung pamilyang bubuuin kasama ka. You'd know that the person would be worthy to build with and not just simply chill with. Di ka tambayan... tao ka... minamahal at pinapahalagahan.

Aaaay...hala ...babu muna! Antok na ulit si Ako.



Posted via Blogaway


No comments:

Post a Comment