Sunday, September 4, 2016

Nabulahaw



Ayoko sanang makialam. Ngunit nabulahaw ako't nagisingan ng aking mauliningan ang pagtatalo sa labas ng aming tahanan.

Bulyaw, hiyaw, at tumataginting na mga mura. Paulit-ulit, masakit sa tainga. Buuuuug, tunog ng pintong isinalya ng isa sa kanila. Blaaaaaaag, tila may inihagis na kung ano mang babasaging bote o baso... di ko malaman.

Di ako pamilyar sa mga tinig ngunit batid kong mula sa kanilang malakas na sigawan ang pagtatalo ng isang pares ng batang mag-asawa tungkol sa di nila pagkakaunawaan. Bakas sa kani-kanilang mga sinasabi ang pagkamusmos at di pa hulmang kaisipan sa buhay na kanilang sinuong.

Sumbat, paninisi, pananakot, at panghihiya. Inilulugmok ang isa't isa sa pandinig ng mga kalapit bahay. Sigaw,  palahaw,  at nakapanginginig na mga salita mga mula sa matatalas nilang dila. Nakalulungkot lamang na nauulinigan ng kanilang supling na may isang taong gulang ang digmaang ito. Hindi mo masisisi ang mga piping saksi na naaawa at nabulabog ng di maubos-ubos na pagtatalo nila sa gitna ng tahimik na gabi. Kung susumahin sila ay nasa 20 taong gulang pababa (opo mga bata pang tiyak.)

Kung tutuusin, wala namang masama sa pag-aasawa ng bata pa maging handa ka lamang sa responsibilidad nitong kaakibat. Dahil hindi ito taguan na pagka ikaw ay nahuli ay susuko na lang o bahay-bahayan na pagka di mo na gusto ay ayawan na.

Noong ako ay paslit pa, ni minsan ay di ko naulinigan ang pagtatalo nina ama at ina. Tila sinisigurado nilang ang pagtatalo ay sa pagitan lamang nila. Hindi ko alam kung sadyang tahimik lang si ama o madiskarte't malihim lamang si ina. Nang nasa wasto na akong isip ay ipinababatid na rin naman nila ang di nila pagkakaintindihan ngunit di ko sila nakitaan ng dahas sa isa't isa kailan man. Alam kong di perpekto ang kanilang pagsasama ngunit sa kanilang pamamaraan namulat akong may paggalang sa sinumang nakakasama at makakasama sa buhay. Respeto ika nga. Ito ay udyok ng pag-ibig na kung saan magagawa mong idaan sa usapan nang maunawaan mo ang sigalot sa pagitan ninyong magkabiyak.

Nakalulungkot. Hindi ko makitaan ng ganitong pamamaraan ang iilang mga nagsasamang kabataan ngayon. Masakit isipin na hindi pa sila lubhang handa sa mga ganap at magaganap. Masasabi kong kasibulan pa lamang din nga kasi ng kanilang buhay ngunit ang masaklap may kalong ng sanggol. Mabuti nga ang ilan ay matapang itong iniluluwal at itinataguyod. Ngunit minsan ang mga musmos na ito pag tila di na kayang itaguyod ay siyang sumasalo ng ilang mga "frustrations" ng kani-kanilang magulang. Sana'y hindi mangyaring mabalingan ang mga bata at nawa at matutuhan nilang dahan-dahang yakapin ang buhay na kanilang pinasok.

Alam kong wala akong karapatang magpayo o magsalita ukol sa buhay may asawa dahil wala pa naman ako noon. Pero siguro naman may karapatan akong matulog nang maayos ng di iniisip yung kaawa-awang batang umiiyak at kung buhay pa kaya bukas yung nag-aaway. Pinilit kong lamukusin ang aking mukha. Magpabiling-baling ng higa. Nariyang ihambalang ang aking mga unan sa tainga at mukha na halos ibalot ko pa ng aking kumot para lamang makatulog dahil baka sa malamang ma-late na naman ako nito bukas.


No comments:

Post a Comment